pananagutan
Umiiyak siya sa harap ko. Mabigat na usapan. At sa paalam niya,
naapuhap mo pa sa bituka ang tanong na, hala, pananagutan mo ba?
Samantalang wala akong naisagot. Sapagkat mapagbiro ka naman.
Sa paraang naintindihan kong hindi maitatatwa ang kaunting pananagutan,
sa ikalulugmok ng aking kakilala. Sa eksenang tumatakbo pa rin ang libog
kahit sa ganitong mapanlumong tagpo. Samantalang hindi salita ang nagamit
kundi pagtawa, pagdadakila ng sariling dibdib at pagharaya sa puwersa—
kanina pa siya umiiyak. Wala pala akong sapat na salita para sa ginhawa.
Lahat ngayon ng pananahimik ay maiaakyat sa luklukan ng sariling lohika,
at tulad ngayon, hindi ko mapapatawad na itinikom ko lamang ang bibig ko
sa ganitong pagdiin ng punyal sa isang taong lubos na nirerespeto.
Pananagutan ko ang pananahimik ko, sa sandaling tulad nito
sasakmalin ko ang alinmang natitira sa pagiging lubos kong binata.
Pananagutan, Artist's archive (191212)