top of page

Pambungad sa Angas
 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


Sabay na nakatunganga at naghihiyawan
ang madlang naipon sa bilyaran,
isa-isang nahihigop ang mga bola
sa mga butas sa sulok ng mesa,
mistulang drain sa lababo at ganito
biglang mapapaibig ang ateng pulis
sa pinapakita, pinagyayabang na pagtitimpi
ni FPJ at kasabwat niyang si Efren Bata Reyes,
mga larawang dating nakaguhit lamang
sa textbook noong ikalawang baitang,
pambansang ganito at ganyan,
sa mundo ng bilyar at pelikula,
mga taong hayop sa katanyagan.
Nasa bus kami pauwi galing sa Zambales.
Dalawang araw bago ang Pasko.
Marami akong hindi alam sa sandaling ito,
halimbawa, na mamaya habang pasakay ng FX
ang aking kasama at nagtatanong lang siya
tungkol sa ruta, biglang sisigaw ang barker sa pila,
sisigawan ang kasama ko na parang
krimen ang ginawang pagtatanong,
subalit alam ko naman, matagal na,
sa munting kamot ng ulo ni FPJ
tuwing kukuwestiyunin siya bakit siya
napadpad muli sa may bilyaran,
na pagkatapos ng bahagyang palusot,
ganun, susuklian ng sige-na-nga, ikaw-naman,
basta, ito naman ang kalakalan mula pa noong
ikaapat na baitang at pinagmamayabang ng kaibigan
na sinapak niya sa dibdib ang kanilang kasambahay
at may tumalsik daw na mga patak ng gatas.
Tawa ng barkada samantalang nagpapalandi sa pantasya,
at hanggang sa pagtanda maririnig ang usap-usapan,
ang babae, nang-aakit, nagpapahabol, habulin,
at wala akong maisip na mas nakaririmarim
na imahen kaysa sa isang lalakeng tumatakbo
sa abot ng kaniyang makakaya, nag-iinit na hita
at ganap na hingal at matang dilat
at tinging may halong lagim,
at tuwing may naririnig akong tumatakbo
sa alinmang pampublikong lugar hinihigpitan ko
ang kapit sa bag at sinasanay muli ang dibdib
sa loob, labas, inhale, exhale. Hindi naman
iyon ang intensyon. Lagi na lang intensyon.
Parang noong hapon na may nagsabi sa kaibigan
eh nagustuhan mo naman. Noong may kaklaseng
nahampas ang likod gamit ang jug na coleman.
Noong nakapila ang seksyon namin sa hallway at
may sumipol sa dumadaan naming guro.
May lakas nang loob pa na magtawanan.
Sabagay. Kung si FPJ nga, magbibitiw lang ng biro
na pinitas sa hardin ng mga hindi nakakatawang biro
at mahuhulog na parang talulot ang puso
ng pulis na hinuhuli’t tinitiketan siya,
at tila kakawing bigla ang tagumpay dahil
mananalo ng international na kumpetisyon
kahit pa naliligo sa pasa at duguan mula
sa isa na namang pilit na eksena ng bugbugan,
ano pa ang saysay ng paliwanag?
Biro lang naman lahat, ‘di ba?
Biro lang kasi. Huwag ka ngang ano.
Lahat, nareresbakan. Kailangang resbakan.
Pila sa FX, basketball, mamahaling alak.
Itataas ang boses at maghahanda ng kamao.
Aastang mataas at maangas, papalayo sa mundo
na may isang bidang babaeng guro
na minsang pinangarap ang pagtuturo,
at isang araw, walang-kuwentang araw,
may sipol mula sa pinaglilingkurang mag-aaral
na babasag nitong kristal na panaginip,
magdidilim ang lahat sa isang di-matatahimik
na awit ng panganib. Paano mo kokontrahin
ang lupon ng mga action star, matatandang politiko,
at mga pinakamamahal na kaibigan?
Malapit na ang Maynila. Tapos na ang pelikula.
Nakasabay ko minsan ang isang mag-ina
na kahawak-kamay ang isang batang
hindi hihigit sa apat na taong gulang,
naglalakad ang dalawa sa bangketa.
Hawak ng nanay sa kabilang kamay
ang buntot ng isang laruang dinosaur.
Sa mundong pilit pinagsasabay
ang pagtunganga at paghiyaw,
alam kaya ng bata na balang-araw
pagtataksilan niya ang ina?
Sa loob ng sampung taon,
may binatang magbibiro sa kapwa binata.
Magbabago ulit ang intensyon. 

Pambungad sa Angas, (190129)

Courtesy of Ang Sabi Nila  and Parating Studios

bottom of page