cross-examination
 

 

May ilan lamang po akong nais itanong.
Dulot ito ng mabigat na pirasong kahoy
na gustong ihataw sa akin ng kaibigan ko,
at kung bakit sa sandaling iyon ng dahas
ang tanging naisip ko ay: hmm, gets ko.
Bakit umabot ang buhay ko sa puntong ito,
na lulundagin ko ang gate ng bahay ng kaibigan
para pigilan siyang bumiyahe nang lasing at mag-isa,
sa parehong gabi na tulala ako sa bintana ng kotse
at napapaisip sa kalmado’t kuntentong paraan
na okay lang talaga kung hanggang dito na lang?
Gumuguhit sa utak ko ang mga bato na pinupukol
ng mga batang naglalaro sa bakuran ng simbahan
sa asong ngumangawa habang umaatras sa sulok.
Kung tinatamaan ang laman, kung nagsusugat.
Kung paanong hindi naman inaasinta ang hayop
subalit sapat nang may direksiyon ang paghamak.
Tanong. Bakit umabot ang buhay ko sa puntong ito,
na tuwing naaaninag ko ang sarili ko sa salamin,
kinakatha ng isip ko ang isang kathang sitwasyon
na maaagaw ko ang kahoy mula sa kaibigan
at saka babakbakin ang sarili kong mukha
sa harap ng daigdig na sabay na hatol at saksi?
Noong bata ako, sinubok kong manigas
sa pag-aakalang hindi na ako hahabulin ng aso.
Nagsitahol ang hayop. Naiwan ang tsinelas ko.
May alaala din akong nananahimik lamang
nang biglang pagkakalmutin ng alagang pusa
sa dating bahay ng lola sa bandang Malate.
Tanong. Ilang beses na ba akong humingi ng tawad
para sa mga kasalanang hindi ko binanggit
subalit patuloy kong inaamin, kinikimkim?
Minsan hinahayaan kong mabuo ang galit,
binibigyan ko ng anyo, pinapangalanan ko,
pinapakiramdaman ko sa manhid na daliring
iniipit sa pagitan ng mga sulok at mga gamit,
ginagawa na lamang buweltahan ang katawan.
Saka ko ginagawaing pain sa mga buwitre ng isip.
Tanong. Kailan ka huling nayamot, nainis,
na umabot sa puntong pinapahintulutan mo
ang sarili mo na talaga, talagang manakit?
Opo. Naaalala ko po. Lahat ng detalye po.
Natutulog ang mga aso. Walang kumikibo.
Sabi niya sa akin, ano ba, pabayaan mo ko.
Sa isip ko. Sabi ko. Ah, oo nga pala—
Lahat kayo.