top of page

Paruparo sa Mukha

Tatalilis ang puting kuting sa ilalim ng tumatalilis na sasakyan
at lilitaw sa kabila nito bilang puting plastik na dala ng hangin.
Hawak ng inarkilang karpintero ang maso, ang naipong bigat nito,
ihahampas sa turquoise na semento, at ang pader ng tahanan
mapupulbos na harina para sa cake na kasingkulay ng crayola.
Habang nagsisingitian ang mga karakter nitong eksena sa dula,
marahang gumagapang sa langit ang ulap ng itim na paruparo:
may magwiwika, teka, parang wala namang ganyan sa bibliya,
may sasagot, umaapaw na yata ang pinakuluan kong mga bato,
at may batang magsusulat, tatalilis ang puting kuting sa ilalim . . .
saka isa-isang sisisid mula sa himpapawid ang mga paruparo.
Una nilang dadapuan ang mukha ng lahat ng lalake sa siyudad.
Naghahabulan ang dalawang magkuya sa loob ng kapehan sabay
matatalisod ang nakatatanda, susubsob sa mga mesa at upuan.
Ang tatay, akmang pipingutin ang anak sabay manipis na pakpak
ang mahahawakan, ang itim na paruparo sa mukha ng panganay.
Handa nang magwala ang ama kung hindi lang dahil sa paruparo
na lulusob diretso sa kanyang mga mata. Sa kapitbahay na gusali,
may dalawang businessman na magpapalitan ng mga kuro-kuro
sa huling pagkakataon. May driver na bababa sana sa kanyang SUV
upang tutukan ng baril ang rider na sumabit sa kanyang side mirror.
Tatangayin ng hangin ng bentilador ang mga isang libo sa sobre
habang kinukutkot ng mayor ang kanyang mala-insektong pisngi.
Sa isang seminar na tinuturuan ang mga lalake na maging lalake,
nanganganak na ang paruparo sa dila nitong pasimunong CEO
at pumapalakpak ang audience na nagbayad ng workshop fee
sabay sabi, a, ito pala ang strategy. Mga napiringan ng insekto,
mga hinalikan ng insekto, mga pinagbintangan ng insekto,
mga nakasinghot ng insekto, mga bagong tahanan ng insekto,
mga insekto. Lahat ng hindi lalake, tinunghayan lamang ito:
ang kawan ng itim na paruparo, tila karaniwan lang na ambon
pagkatapos magsampay, tila bula ng sabon sa gilid ng alulod,
tila kulubot sa daliri pagkatapos magbabad sa katawan ng tubig.
Tila lohikal, araw-araw, at karaniwan nang metamorposis.

 

Paruparo sa Mukha

Ang Sabi Nila (10/26/19), 17:33 - 14:55 remaining mark, Artist's archive

bottom of page