top of page

Maikling Kasaysayan ng Pakikipagkamay

 

Pagkatapos busisiin ang maikling kasaysayang nakamakinilya sa papel,
lindol ng panunuya at panlilibak sa mga de-numerong puwang,
makikipagkamay ang interviewer sa pang-isang-daang aplikante
at magpapaalam sa kanya ang pasmadong pagkakataong bigo,
sasabak ang aplikante sa kapwa-sawing humahagilap ng masasakyan

sa kahabaan ng abenida ng Ayala at maaalala niya ang nakasabay kanina,
mamang hawig ang kanyang ama, nakasuot ng parusang kurbata na
kung tutuusin walang lugar sa siyudad na malulusaw kahit kalsada,
at aalingawngaw ang tanong na walk-in po kayo? sir walk-in po kayo
kahit wala kang pag-asang makalusot sa initial screening namin dito,

sasaluhin nitong binata ang ensaymada na alok ng supervisor niya
at pagpaplanuhang kainin sa ikalawang oras ng biyahe mamaya pauwi,
katabi niya ang fresh grad na naka-long-sleeves na kausap ang ina
sa telepono na binubulong oo, ma, start na raw ako siguro next week,
kailangan na lamang ng mga papeles mula sa sari-saring opisina

na siguradong may tig-isang ama na hindi alam kung mapapatahan pa
ang kani-kanilang mga panganay, lalo na’t akala nilang magiging binata
at mabubuhayan ng tindig na aayuda sa kanilang nananakit na mga likod,
na ayaw ipatingin sa doktora sapagkat dadagdag na naman sa gastos,
kaya laging natutulala itong mga ama tuwing alas-kuwatro ng hapon,

bakit pa uuwi kung nakaplano na namang muli ang mga reunion
kasama ang mga kaibigang dating nayayakap pa pero ngayon kailangang
kamayan, parangalan, pagsilbihan sakaling may trabahong handang ialok
dahil pinagpapala sa ekonomiyang ito ang mga businessman, madiskarte,
kayang pabulaanan ang reklamo ng mga kawangis nilang naghihingalo

sa pagkumbinse sa landlord na sana isa pa muling buwan para sa renta,
siksik sa basurahan ang mga pinagbalutan ng pekeng pancit canton
na agahan, pananghalian, panghapunan, at pakain sa mga bisita
na hindi matanggihan kahit mangungutang naman dulot ng sakuna
sa biglang pagtubo ng kanser sa bayag ng bunsong kapatid na nag-aaral

sa pamantasan kung kailan graduating na saka may yamot nang tadhana
na isa-isang nililigaw ang mga mag-aaral, walang alam ang mga guro,
ipagdadasal pa nga na sana nagbubulakbol na lamang kaysa nawala,
nasobrahan ng tulog kaysa nagkukulong sa kuwarto nang mag-isa
at namamanata sa lahat ng diyos sa daigdig na patahimikin ang banta

dulot ng nagtataasang mga estadistika ng kamatayan samantalang 
dati naman, tumutugtog pa ang recorded na biyolin at trumpeta
habang binabagtas ng pamanang leather shoes ang hagdan sa entablado,
kaliwang kamay ang tatanggap ng medalya at ang kanan iaaabot sa
kung sinong anino, noong may kabuluhan pa ang magpatuloy,

noong konektado pa ang galamay sa katawan at ang katawan sa loob,
noong may loob pang hindi ganap na ipinagkanulo nitong mundo,
noong matapos ang mainit na pag-aasaran nitong dalawang bata
ay napansin nilang palubog na ang araw, kaya, heto ang kamay ko,
heto ang kamay mo, sige, magbati na lang muna tayo.

bottom of page