top of page

EROS
 

Nagbabantulot ang mga paniki sa kawad ng kuryente
na katalik dati ang mga sanga ng indian tree.
Naririnig kaya nila ang hinaing ng paparating na bagyo?
Ngayong gabi, mas matulin ang prusisyon ng mga ipis
mula sa butas ng kanal, sa ilalim ng washing machine.
Kahit ang galá na aso na iniwan ng naglayas na kapitbahay,
nakapirme sa bakurang may kulungan ng mga inahin.
Higit sa anunsyo ng radyo o alinmang batayang programa,
masidhi ang pagsapit nitong panahon sa sangkahayupan:
muli pang aalma ang tukó kahit metro na ang layo sa buntot,
mabubuhay ang lamok sa pag-apuhap ng buhay na lulukso-lukso
sa akalang huling araw sa sampung araw na habambuhay,
saka malayang dadapo sa namamagang pader na may bakas ng dugo
buhat ng isang hayop na minamasahe ang kanyang kamao
sabay hikbi, sabay mura, sabay muling suntok dito sa bato.

00:00 / 01:39

Eros, Artist's archive (191212)

bottom of page