top of page

dalawang sandali ng

hiwaga sa aurora
 

Terno pa ang suot ng bata: LA Clippers na jersey, LA Clippers na shorts.
Grey na joggers, puting V-neck, at pilak na snapback naman sa ama.
Kung may glitters ang sombrero, inuusok na asul naman itong ibon
na parang lumang aklat, binubuklat ng bata ang mga pakpak. Parang
wala lang, sa isang jeep papuntang Cubao, sa kahabaan nitong Aurora.
Sasandal-sandal ang bata sa braso ng ama, inaantok, nagmumukmok
ang ibon sa pagitan ng yayat na mga daliri, ang hawlang gawa sa laman,
walang takas sa mata nito. Inip din sa traffic. Inakbayan ng ama ang anak.
Teka, ano ang pinsala ng hayop? Saang sulok napulot ang ikatlong miyembro 
nitong pamilyang pumapalaot sa de-gulong na barko ng lungsod?
At alam kaya ng bata na ilang dekada nang di-matawarang biro
ang LA Clippers at mas sikat pa rin ang kinamumuhian kong Lakers?
Nakapreno sa stoplight noon. Biglang tumayo ang bata, saka pinukol,
oo, pinukol, parang bato, parang bato na kasinlaki ng hámon ni Hesus,
ang ibon. Lumipad ito. Pagkatapos kong maiskandalo, natunaw
ang puso ko.

bottom of page