Kaharap ang Huling Araw ng Bakasyon
Kasing-init ng pisngi ko ang bakal na pisngi ng CPU
samantalang patuloy pa rin ang hinaing ng garalgal na boses:
will you tell all your friends you’ve got your gun to my head?
Nanlalagkit na itong sofa bed. Walang patid ang pagpapawis.
Hinipo ko ang gilid ng monitor na tila pinakikiramdaman
ang makinang lagnat, saka nagdesisyong hablutin ang saksak.
Mahabang laslas sa panahon, hiling kong magpakita ka na.
Gumuhit ka ng mga larawan sa mga astronomikong aklat
at ipakilala mo sa akin ang mga dapat ko nang makilala.
Bukas, magigising ako nang nakahanda na muli sa bag
ang mga bagong biling kuwaderno at lumang kuwento,
at sa sandaling uupo ako sa mesang nakalaan sa akin
alam kong magpupundi na naman ang mga bumbilyang
naging kaibigan ko sa mga gabi na itong pagsingaw ng init
nagiging hangin na galing sa isa na namang dimensyong
hindi kabilang ako. Tayo. Will you tell all your friends?
Na muntik ko nang ibalibag ang PC noong tumirik ito,
na naramdaman kong mababali ko ang keyboard kung
isasalpak ito sa tuhod gamit ang buong puwersa ko?
Mahabang laslas sa panahon, alam ko, na alam mo,
na alam ko ang pinakita mo sa akin noong araw na iyon.
Saliw lamang ng teka at sandali at sige ang bakasyon.
Ang bawat planeta, bilog na may tahimik na hiwa sa gitna.
Tutugtog ang kanta. Patuloy lang tayo sa paghilata.
Kaharap ang Huling Araw ng Bakasyon
Ang Sabi Nila (10/26/19), 23:14 - 21:04 remaining mark, Artist's archive