Unang Kabanata ni José

 

Kulang sa pansin,
kulang sa tangkad upang abutin ang bote ng patis
sa ibabaw ng dumadagundong na pridyider,
kulang sa muwang upang ipagbuhol 
ang mga tenga ng kulambo,
kulang sa kayumanggi—
maliit ang mundo para sa yagit.

Heto ang listahan ng mga pintong napipinid:
Ang sabi ko sa iyo tumahan ka. Ang sabi ko sa iyo
kapag hindi ka tumigil masasampal na talaga kita.
Ang sabi ko sa iyo ganito talaga kita kamahal.
Ang sabi ko sa iyo ‘yung lolo mo may napigtal
na ugat sa pagitan naming dalawa at mula noon
hindi ko na siya minahal at hindi tayo matutulad doon
.
Ang sabi ko sa iyo huwag mong saktan kalaro mo ‘yan.
Ang sabi ko sa iyo minsan habang nanonood ako ng TV
pakiramdam ko hindi tayo nag-uusap pero malapít tayo
sa isang paraang hindi ko maunawaan.
Ang sabi ko sa iyo
tulog ka na bukas may pasok ka pa. Ako rin sapat na ‘to.
Ang sabi ko sa iyo

kulang lang sa pansin
ang mga katulad ko. Hiniwa ko ang kamatis.
Sinukat ko ang parihabang piraso ng keso at inilapat sa tinapay.
Ang malaki ang siyang maliit. Alam mo, hindi ko alam kung may saysay
ang lahat ng ito. Kumakabog sa isip. Kumakatok sa platito.
Magkamukha tayo, pero bakit nililingon ko
ang mga sarili ko?