Hindi Karaniwan ang Buhay

Kaharap ang mga bayani ni Coching,
ang mga kabayo, buhok, baril, itak,
natitiyak ko sa wakas ang wala ako:
ang mahika ng tapang at pagnanasa
na kapag pinagtagpo sa isang pahina
nagiging senyor, bandido, sundalo.
Walang nagsabi sa akin kung ano ito.
Nabubuhay akong wala ni kislap
sa mata kapag may katunggaling kausap,
mas magaan pa ang boses sa hangin
samantalang dumadagundong ang mundo
sa mga salita ng iba: hoy, ikaw, ayos.
Minsan hindi ko pa magawang masabi
sa konduktor ng jeep na lagpas na ako
sa tamang babaan kaya sa pananahimik
hinahanda ko ang sarili ko sa mahabang
prusisyon pabalik sa dapat puntahan.
Hula ko lang, pasintabi na lamang,
hindi nagiging bayani ang mga tanga.
Nakaayon ang paghanga sa kakayahang
bumunot ng sandata, sa pagpapangako,
sa matatag na postura’t pagpapakilala,
sa katiyakan ng loob kapag mambabraso
ng nangangatal na boses at lalamunan,
sa maayos na tupi ng kuwelyo sa polo.
Habang ang tangi kong tangan-tangan,
ang kaalamang hindi ako mapapabilang
sapagkat tuwing kinikilala ko ang laro
may dambuhalang bato na pumuputok
basta-basta sa loob ng aking sikmura
at gusto ko biglang iluwa ang kaluluwa.
Matagal nang hindi karaniwan ang buhay.
Tuwing pipikit ako nakikita ko ang pahamak
na kayang-kaya kong gawin at gustuhin.
Gusto kong wakasan ang lahat ng pagnanasa
kung mabubura lamang nito ang panganib
na nakapulupot sa bawat kong pagtingin.
Kapag may nakakasalubong ako sa daan
talagang gusto ko na lang tuluyang mawala.
Habang sa mga pahina matingkad pa
ang tinta ng lihim, ngiti, landi, at lagim,
hinahanap ko pa itong tamang salita
para tuldukan ang kasaysayan nitong
halimaw kong hangad na matanggap,
na mapasaakin ang isang pagkalalake
na kapag nasasadlak sa alinmang aksyon,
kayang-kaya na magpatiwakal na lamang
sa kathang-buhay na wala ako doon,
sapagkat ano na bang naiambag ko
bukod sa sapilitang paglamon ng sitwasyon?