top of page

mga aral sa maniobra

 

Puwede naman palang hindi mapapikit sa pagbahing
basta hawak mo ang manibela at nakaapak sa silinyador.
Sa parehong paraan, puwedeng magkaltas sa parirala
kung hindi ikaw ang kasagutan, puwedeng pintasan
ang birong hindi napigilang bitawan kahit, alam mo na,
masikip na ang mga araw para sa alanganing mga hirit.
Puwedeng mangarap paminsan-minsan. Puwedeng ligawan
ang pagbura ng sariling halaga, parang parking na paatras
tapos sa dilim hindi mo matanaw ang mga markang linya
kaya sana sa pagbangga ikaw lang ang tatamo ng gasgas,
puwedeng pumarada kapag giyera ang pagaspas ng ulan
at manatili sa manaka-nakang habambuhay ng mga silungan.
Puwedeng tumanggi. Puwede ring tanggapin ang hindi
at isuot na parang singsing, lagyan ng diyamanteng paalala,
panatilihing agimat sa ganitong mga dekada ng pagsasarili
na kailangan pang muling baybayin. Puwedeng kasangkapin
ang mga binhi ng takot: gawing paminta ang pananahimik,
budburan ng walang lohikang inggit ang ulam na mapait,
isawsaw ang pagtingin sa toyo na may halong siling labuyo.
Puwede ang mamatay, iba iyon sa puwede kang mamatay,
na iba sa puwedeng may mamatay at wala kang magagawa.
Puwedeng walang tula sa hiwaga at walang hiwaga sa tula.
Samakatuwid, puwede ang magmaniobra sa walang hangga.

bottom of page