top of page

huling gabi sa osaka
 

May sari-sari at sari-sariling mga kulto ng paniniwala, 
ayon kay kuya. Pinagkakasya naming apat na magkapatid
ang apat naming sarili dito sa kay liit na pull-out sofa bed.
Kanina, bago maghapunan, mag-impake, at magpahinga, 
pumunta akong mag-isa sa konbini at bumili ng beer, kanin,
at bahagi ng manok na iba ang pangalan kaya hindi makilala.
Natulala sa tawiran, nilamig sa semento, nalito sa mga signage.
Isinisiksik namin ang pagsipsip ng alkohol sa gitna ng hagikgik
habang nahahalina’t nasusuya sa sistema ng mga bus at tren.
Ano ang itsura ng relihiyon sa ibang bansa? Ano ang itsura
ng almusal, ruta, paaralan, pagtitipid, pagtatanong, pagdurusa?
Noong mas bata, tiningala namin ng kuya ang agham ng mga tala,
klasipikasyon ng bato (sedimentary, metamorphic, igneous),
at iba pa. Dito sa Osaka, napapagana na niya ang mga mapa.

bottom of page