Isang Pakikipagtuos sa Bungo
ng Pusa sa Kalsada
Tinitirintas ng isip ang mga alaala na parang bituka.
Kanina, sa kalsada, muli na namang nasagasaan ang isang pusa.
Subalit, sa ibang araw, kahalili ang mga napaglumaang salawal
at hinagpis ng kalansay ng mga nilapastangang daga,
depende sa araw, depende sa buwan, at depende sa taon,
iba ang hugis ng roadkill: minsan, nagurlisang kometa,
paminsan-minsan, pumpon ng mga itim na talulot,
at minsan pa, dambuhalang pagsasalo sa natabig na sisidlan ng tinta.
Natunghayan ko na ang mga aksidenteng ito, dati pa,
noong ibinunyag sa akin ng tanging kaklaseng mas bata sa akin
ang mga nagtatagisang ekis sa kanyang pulsuhan, ang tuyong dugo,
ang unang beses na inawit ng kaibigan na hay, sana mamatay
ang kanyang itay, ang maanghang na bintang kay sir ganito, sir ganyan,
bugnuting kalbo, virgin, gurang, hahaha wala siguro iyang kaibigan.
Pinag-ensayo sa karahasan. Pinatapang ang tiyan sa pamamagitan
ng paglaklak ng alak at balak na magpakilala, pagsiwalat ng sarili,
at kinukuyom lahat ng kahinaan hanggang malagutan ng hikbi.
Iba kasi ang galawan noon—wala sa muwang ng all boys’ school
ang lambing ng isang kuting, ang waring pag-uunat ng pusa,
ang kalkuladong kumpas ng katawan sa lapag na marmol.
Sapagkat kundi sundalo, praktisado, sa katawan memoryado
ang mga pangarap na binalian ng buto nang sa gayon magkatotoo.
Sinusukat ang puso sa kakayahang impitin ang alinmang luha.
Hanggang sa pumutok ang dibdib ng kaibigan sa kawalan ng salita
at hindi na namin siya muling nakita pa, hanggang kuwento na lang
tulad ng mga aninong sumisiksik sa karwahe ng pinakahuling tren,
mga kapiranggot na mantsa sa kuwelyo pagkahilamos ng mukha,
mga matang kumikislap sa alulod tuwing akala mong nag-iisa ka.
Ang ibig kong sabihin, napakahalagang kulay ng alikabok—
sa umaga, itong umuulit na bangkay, mala-rosas pa na pula
at pagkatapos ng pagraragasa ng nagsisiunahang mga gulong
ng mga commuter na nagsisiunahan sa kani-kanilang bugtong,
nagbabantang bagyo itong madilim na ulap na balat ng pusa
at muli, tinitirintas ng isip ang mga alaala na parang bituka:
nakaupo kaming magkakabarkada sa bangketa sa tapat ng soccer field,
kasasapit lamang ng gabi, natalo kaming muli sa paligsahan sa intrams.
May ilan sa aming tulala sa langit ng Ortigas samantalang hinhintay ang iba
na makapagligpit ng pinagpawisang damit. Sports bag at sapatos. Sa susunod.
May bumulong. Sa susunod na laro, ibig niyang sabihin. Palakasan.
Basagan ng bungo. Sa susunod na may pagkakataon ang puso.
Subalit ang susunod ay pantasya lamang para sa mga lalake:
sabay na kasimbagal at kasimbilis ng traysikel at pusang lagot,
unti-unti na palang binubunot sa aming mga ulong pugot
ang huli naming mga talulot.
Isang Pakikipagtuos sa Bungo ng Pusa sa Kalsada, (190831)
Courtesy of Ang Sabi Nila, and Upstream Media PH