top of page

Pananahimik
 


Hindi marunong manukli ang langit.
Nakamasid ang bida sa naipong tubig sa palad
habang nagmumumog saka nayanig ng grabedad
ng pagdausdos ng kristal sa kanyang mga siha.
Kaya sa pagluwa ng pinangmumog nawari niya
na kung may dugong naluwal mula sa baga
matatanggap na niya ang kaninang natuklasan:
nahuhulog ang mga bagay akma sa kanilang bigat,
tulad nitong asul na buhangin sa de-boteng orasan
at ang leon ng Singapore na batubalani sa pridyider,
ang katawang bumagsak sa bawat hakbang ng hagdan
pagkatapos madulas sa floormat sa ikatlong palapag.
Sa pakiwari niya biglang nagsisilundag ang mga tala
pababa sa kanilang mga pedestal, sisisid sa lupa,
saka aalinugnog sa ere ang pinitik na pilak ng piso
bago lumusot sa pirasong bungi nitong kanal.
Kanina, lulan pa ng tawanan ng barkada’t biruan,
akala ng bida’y makalilipad na siya sa wakas,
pasintabi sa mga di-natuldukang pagtatalo na
nauwi sa pabirong hataw at batok at bigwas,
pasintabi sa paggiit ng sarili at pagpapasalamat
at pagbaluktot ng dila at pagbuntong-hininga,
pasintabi sa luha na alam niyang papanhik sa mata
kaya pipigilan sa pamamagitan ng pagtingala:
ang asul naglalamlam sa kay lambot na pula,
ang mga ulap na payapang tinatawid ang mga isla
patungo at palayo sa di-kilalang mga planeta,
walang alintana sa nabibiyak nang lupa.

 

00:00 / 02:21

Pananahimik, Artist's archive (191212)

bottom of page