malakas at maganda
 

Rotation daw ang pag-uwi ng nililok na imahen ng birhen.
Samantalang sanay sa liha at martilyo sa home economics,
tila kasinggaan ng amihan ang aming mga daliri
kapag ipapasa na sa kasunod na tahanan si Mama Mary.
Pagkatapos ng isang linggong kapiling ang kabanalan,
babalik na naman sa normal naming mga araw-araw 
ng daldal, kantiyaw, telebisyon, tsitserya, puslit ng laruan
sa silid-aralan hanggang sa maconfiscate na naman.
May mga naiiyak saka mangangakong hindi na mauulit.
May nagsusumbong din sa magulang kahit nasa mali.
Saksi sa lahat ng husgahan ang pinakamamahal na birhen:
bagaman estatwa, may tahimik na pagpapatahan at pasya,
kahit sa natututong magmura ng pasintabi sa lahat ng ina
at pinaghahalo sa bunganga ang dasal at maplemang dura.