top of page

Pilosopiya ng Kulit
 

Doon na lang tayo sa gusali na may notaryo at pharmacy sa bungad.
Mahigit bente na taon na nating araw-araw nadaanan, at kahit kailan
hindi natin natunton na mahigit limang palapag pala ang kabuuan.
Hindi na natin naaalala na tumingala. Pinahihintulutan na magliyab
ang mga mata sa kriskros na tagisan ng tingin sa loob ng jeep,
kagyat namang tinutupok ang apoy sa pag-abot ng barya sa katabi.
Busilak ang kulit. Baba na tayo, kaibigan. Para na lang po sa babaan.  
Tuklasin natin ang mapa ng bawat palapag, makipagtagu-taguan
sa laberinto ng mga basurahan, switch pang-ilaw at pang-exhaust fan,
ang mga salamin na limót hanggang sa may tangang nauuntog,
fire extinguisher, calculator, nasiksik na straw sa ngipin ng bintana,
simoy ng kulob na pawis sa elevator, nakausling pako sa floorboard,
dati gumuguhit ka sa ekstrang yellow pad sa opisina ng nanay mo,
dati mahimbing ako matulog sa duyan sa bahay ng pinsan ko,
teka, naiwang nakasaksak ang water dispenser, off ko kaya para
kawanggawa, teka, madilim dito sa fire exit, may flashlight ba?
Kaibigan, nilalasap ko ang salitang kaibigan sa sandaling ito.
Pero noong inalok mo ang kamay mo, nag-dalawang isip ako
kung pang-ilang gusali’t fire exit na ba ang pinalipas natin,
ilang buhay na ba ang nagdaan na hindi natin idinampi sa pisngi
ng bawat isa ang ating mga palad? Sa nakakandadong alaala
hawak ko ang kamay mo noong nagkagalos ang tuhod mo
sapagkat hindi mo nahabol ang bola. Sa isa pang nostalgia
nakadantay ang noo mo sa dibdib ko, naka-mute ang eksena.
Sa isa pa, inaabot mo ang falsetto ng Savage Garden sa KTV,
I knew I loved you before I met you. Kaya doon na lang tayo
kung saan makapaghihintay ako na kumaripas itong sasakyan
lagpas sa malambing na musika ng Gate 1 sa Baranggay Kaibigan,
sa mga uka sa kalsada pagkambiyo sa kanto ng Acacia at Sycamore,
diretso sa musmos na pagsilong sa waiting shed lagpas ng payphone.
Gusto ko muling maging bata o binata, gusto kong walang laman pareho
ang ating mga pitaka habang nakapila sa bilihan ng de-plastik na gulaman
at napagtatabi natin ang ating mga pulsuhan habang nakatayo, nakatunganga
sa altar ng mga kinakasal at pagbukas ng iyong bibig, may kakabig, tatagilid
sa pinakalihim nating hagikgik, noong unang beses na may nagtanong: 
magkamukha na kayo ‘a, sino ba talaga ang nauna at sino ang gumaya?

bottom of page